Ako ay isang outcast sa aming pamilya.
Ewan ko ba, bakit ganun na lang ang pagiging paranoid ko sa mga kasama ko ngayon sa bahay. Para bang 'di nila ako kilala. Para lang akong taong taken for granted na pwede nang pintasan hanggang sa dulo ng buhok ko.
Ewan ko ba, pag andito ako parang 'di ko din sila kilala. Para silang mga taong nakatingin lang saken, hahanapan ng pwede nilang ireklamo. Ang masama pa, hindi ko alam kung ako ba o yung patay na ipis sa sahig yung inerereklamo nila.
Buti pa noong bata pa ako, nagawa pa nilang matuwa sa akin. Yung tipong matatawag pa nila akong tao unang tingin pa lang. Ngayon para na akong alien na hindi nila alam ang komposisyon. Pwede na rin naman ang isang ipis na pwede nilang palayasin sa oras na gusto nila. Kung ayaw lumayas, eh di paluin at pisain na lang nang wala nang problema.
Hinihintay ko na lang sa sambatan nila ako sa lahat ng kung ano ako - mula sa pananamit, oras na pagligo, pagkain, itsura, pananahimik, pag-iisip. Nararamdaman ko kasi na di ko sila ka-wavelength, hindi kami magkaintindihan. Yung tipong kung ano yung sabihin nila, inaasahan nilang tatanggapin at gagawin ko iyon ng buong puso pero sa katotohanan ay nawawala ako at naguguluhan.
Siguro ang inaasahan na nila sa akin ay iyong mga katangian na alam nilang tinataglay ng mga galing sa siyudad: maarte, tamad, mayabang, atbp. Pero alam ko naman sa sarili ko na hindi ako ganoon. Siguro hindi ako yung tipong ima-mop ko ang sahig ng kwarto ko tuwing umaga, at hindi nila ako nakikitang magluto ng pagkain ko, kung magsain man, minsan lang. Gawa naman yun ng mga mas mahahalagang bagay na dapat kong gawin. Besides, wala naman akong ref na pagtataguan ng ipanluluto.
Siguro dahil medyo matanda na ako ay akala nila maghahanap na ako ng boypren at magsasayang ng buhay. Oo, may boypren ako at hindi naman ito nakakasama sa akin. Sa totoo lang, mas nakakatulong pa siya. Madalas sa kanya na ako nagkekwento ng mga bagay na naiisip ko. Buti nga't may napagbabalingan pa ako ng mga problema ko.
Minsan hindi ko matanggap na may mga taong kung ano ang alam niyang tama ay panghabambuhay nang tama para sa kaniya. Ewan ko, kung mukha akong adik, mukha lang akong adik, hindi talaga ako adik. Kung mukha akong taong grasa, hindi naman sa lahat ng panahon taong grasa ako.
Minsan naman hindi nila maintindihan kung bakit madalas wala ako. Oo, kailangan kong makisama sa mga kamag-anak ko. Oo, kailangan kong pumunta sa mga pupuntahan nila. Pero madalas kasi hindi ko naman gusto iyong mga bagay na iyon eh. Kung hindi ko naman kasi gusto, para naman nila akong kinulong lang sa tabi nila habang nagsasaya sila. Hindi lahat ng masaya para sa kanila ay masaya para sa akin.
Ang kinakatakutan ko lang, baka gawin nila akong masamang ehemplo sa mga nakakabata kong mga kamag-anak. Masama naman iyon. Hindi ko naman nagawang mamahiya ng kapwa ko kamag-anak. Hindi ko naman pinabayaan ang sarili ko. Nakikinig naman ako sa mga sinasabi ng iba. Ang pinagkaiba ko lang, iniisip ko kung tatanggapin ko ba ang lahat ng mga sinabi nila. Hindi ako kagaya ng mga bata noon na todo-sunod sa mga nakatatanda, kaya naaabuso. Siguro iyon ang pwede nilang masumbat sa akin. Pero kasi kung alam ko talagang walang buting maihahatid ang isang bagay, hindi ko na gagawin. At kung pansarili man ito, maaari naman nila itong gawin ng sarili nila.
Madalas, nawawala ako. Kaya siguro sa paaralan ko na lang ibinubuhos ang oras ko. Hindi naman sa pag-aaral, kundi sa pakikihalubilo ko sa mga tao. Doon maiintindihan nila ang pagka-weirdo ko. Doon mararamdaman ko kahit na malayo ako sa mga magulang ko, may mga tao pa rin akong makakausap nang matagalan.
...nawawala ako. Hindi ko alam kung saan nila ako hahanapin...
Miyerkules, Hulyo 8, 2009
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento